Saturday, November 22, 2008

walang pamagat. In english--UNTITLED.

"Patawad, anak."
Mahina niyang sampit habang dahan-dahang tumutulo ang luha sa kanyang pisngi. Pilit niyang pinipigilan ngunit kagaya ng ulan na unti-unti nang pumapatak, hindi ito maawat.

Wala na. Tapos na. Nangyari na ang hindi dapat manyari na dati rin ay hiningi niyang mangyari. Wala na ang itinuturing niyang sumpa. Wala na.

Nakatayo siyang mag-isa sa harap ng puntod ng kanyang anak. Umiiyak. Nanlulumo. Nagsisisi.

Konsensiya. Ito na kaya ang tinatawag nilang konsensiya?

Lalo pang kumirot ang kanyang dibdib ng maalala niya ang nangyari. Umuulan din nun. Naglalakad siya ng mabilis patungo sa isang liblib na lugar. Lakad, takbo, lakad ulit habang karga-karga ang isang taong gulang niyang anak. Basang-basa na siya, gutom, at pagod. Ang batang hawak-hawak niya ay walang tigil din sa pag-iyak. Malamang ay giniginaw na rin ito at nagugutom gaya niya.

Maluha-luha niyang tinitigan ang anak. Malayo-layo na rin ang kanyang naabutan. Walang katao-tao sa lugar na iyon. Walang makakarinig sa kanya kahit sumigaw pa siya. Sa lakas ng buhos ng ulan, malamang ay wala ring makakita sa kanya kahit may dumaan pa. Naisip niyang mabuti rin iyon.

Tinitigan niya ulit ang bata. Halos isang oras na itong umiiyak ng walang tigil.
Naiirita na rin siya sa iyak nito.
"Tumahimik ka na. Utang na loob. " Maiyak-iyak niyang sigaw sa bata. Patuloy pa rin ito sa pag-iyak na tila mas lalo pang lumakas sa pagsigaw niya.

Problema. Problema. Iyon ang naisip niya. "Ang dala mo ay puro problema." Sumbat niya sa bata. " Bakit kasi hindi ka pa namatay? bakit kasi ipinanganak ka pa?" Galit na galit niyang sigaw. Patuloy pa rin sa pag-iyak ang walang kamuwang-muwang na sanggol.

Ilang araw na rin ang nakakaraan ng umalis sila sa kanilang inuupahang bahay. Wala na siyang perang pambayad sa renta doon. Kailangan niyang tumigil sa trabaho nang manganak siya.

Muli siyang nakaramdam ng pagka poot ng maalala ang pagkakatanggal niya sa trabaho. Naisip niya na bumalik sa mga magulang. Naisip niya na pagkatapos ng isang taon ay mapapatawad na siya ng mga ito sa kanyang nagawa. Nagkamali siya.

Ilang oras din siyang naghintay sa labas ng gate ng bahay nila. Ayaw siyang papasukin ng guwardiya. Wala daw ang mga magulang niya.

Pagod at gutom, pinilit niya ang kanyang sarili na lumayo sa bahay. Alam niyang hindi rin siya haharapin ng kanyang mga magulang. Lumakad siya palayo.

Ilang oras na din ang nakalipas ng mangyari iyon. Ngayon ay galit na galit na siya sa bata. Ang batang siyang naging rason sa pagpapalayas sa kanya ng kanyang mga magulang. Ang batang naging dahilan ng kanyang paghihirap. Ang tanging dahilan kung bakit naka upo siya sa gilid ng daan, basa sa ulan, nanginginig sa gutom at ginaw.

Sa isang iglap lang ay nakapagpasya siyang iwanan ang anak. Wala na rin siyang pera para pambili ng pagkain nila. Naisip niya na mas madali siyang makakahanap ng trabaho kung wala ang bata.

Tumayo siya at naglakad siya ng ilang metro. Nakakita siya ng isang malaking bato sa gilid ng daan. Naisipan niyang umupo doon at magpahinga.

Humina na ang ulan. Humina na rin ang pag-iyak ng bata. Malamang ay naubusan na din ito ng boses, naisip niya. Pagkatapos ng ilang minuto ay tumayo siya at inilapag ang bata sa damuhan. Umiyak ulit ito ngunit hindi niya pinansin. Dahan-dahan siyang tumalikod at naglakad palayo sa bata.

Ilang metro na rin ang nalakad niya ngunit tila naririnig pa rin niya ang iyak ng anak. Tila nagmamakaawa ito. Hindi siya lumingon at patuloy lang sa paglalakad. Unti-unting humihina ang boses ng anak hanggang sa tuluyan na itong nawala. Tanging ang mga palaka na lang at mg kulisap ang naririnig niya.

"Malaya na ako..." naisip niya. Nakakita siya ng bahay sa di kalayuan. Kumatok siya at nagmakaawa. Gutom na siya, sabi niya. Naawa naman ang maybahay at pinapasok siya. Pinakain at binigyan ng damit. Naalala niya ang anak. Ngunit pilit niyang iwinaglit sa isip ang alaala nito.

Tinanong siya ng maybahay kung saan ang punta niya. Hindi ko alam, ang sagot. Mabait naman ang babae. Binigyan pa siya ng matutulugan.

Naisip niyang maswerte siya sa mga oras na iyon. Pilit na niyang binura sa isip ang anak. Sa mga oras na iyon, naisip niyang tama ang kanyang hinala, malas ang bata.

Kinaumagahan ay inalok siya ng babae. "kung wala kang mapupuntahan, pwede kang mamasukan dito. Kailangan ko din naman ng katulong," Sabi nito.

Tinanggap niya agad ang alok. Naisip niya rin na mabuti na lang at hindi naman naghanap pa ng mga papeles ang babae. Tila buo agad ang tiwala nito sa kanya. Nagdesisyon siyang itago na lang ang tungkol sa anak at sa kanyang pinanggalingan. Magsisinungaling kung kailangan basta mayroon lang siyang masisilungan at hindi siya magutuman sa daan.

Ng sumunod na araw ay may napabalitang may nakitang bata sa di kalayuan. Natakot siya na baka magduda ang kaniyang amo sa kanya kaya pilit siyang nagpanggap na hindi apektado sa balita. Nalaman niya na dinala daw sa ospital ang bata, buhay pa daw ito ngunit mahinang-mahina na ng matagpuan.

" Sino kaya ang nag-iwan sa kaawa-awang sanggol na iyon?" sabi ng amo niya. Maluha-luha ang mata nito habang nag-uusap sila. "Napaka iresponsable naman ng kanyang ina" dagdag pa ng babae.

Hindi siya kumibo. Pinilit niya ang sarili na huwag magpakita ng emosyon. Paano na lang pagnalaman nila?
Ilang araw din na halos hindi mawala sa isip ng kanyang amo ang bata. Balita niya ay mahina daw ang chance na mabuhay pa ito. Hindi niya alam kung matutuwa siya o malulungkot sa nalaman. Hiningi niyang mawala ang anak. Hingi niyang mamatay ito. Hindi nga ba at ito mismo ang huling sinabi niya dito bago niya ito iwan sa damuhan? Pero naisip din niya na anak niya iyon. Hindi ba dapat ay malungkot siya?

Napansin ng amo niya na tila wala siya sa sarili kaya nagtanong ito sa kanya. "ikaw, ano sa tingin mo?"
Napailing lang siya sa babae. Hindi niya alam kung ano ang masasabi niya.
"Hindi dapat iwan ng isang ina ang kanyang anak, kahit ano pa ang dahilan." Sabi ng kanyang amo.
Hindi siya nakapagpigil, nagtanong siya. "Paano kung kailangan talaga?"
"Kailangan? Ano naman ang pwedeng maging dahilan para gawin iyon ng isang ina sa kanyang anak?" tanong ulit ng amo.
"Baka wala siyang pera o ipapakain sa anak. Baka iyon lang ang alam niyang makabubuti para sa bata." sabi niya.
"Makabubuti sa bata? Baka naman makabubuti sa ina?" Sagot ng kanyang amo. "Hindi dahilan ang paghihirap para iabandona ng ina ang anak. Lalo na ang isang anak na walang kamalay-malay at walang kakayahan na buhayin ang kanyang sarili." dagdag pa ng amo.

"pero..."

"pero ano? Hindi kasalanan ng bata na ipinanganak siya sa mundo. Kahit kailan ay hindi kasalanan ang mabuhay," sagot ng amo na tila nanunumbat. "Hindi tama na isipin o ituring na pabigat ang isang bata. Hindi dapat na maging hadlang siya sa pangarap ng kanyang mga magulang. Sa halip ay dapat pa nga itong gawing inspirasyon ng mga magulang upang matupad ang kanilang mga pangarap."

Natahimik siya. Ayaw niyang magsalita dahil natatakot siya na baka maiyak lang siya. Naalala niya ang iyak ng anak habang naglalakad siya palayo dito. Iniwan niya ang anak sa kailaliman ng gabi. Iniwan niyang mag-isa at inisip lamang ang kanyang sarili. Tulo ang kanyang luha ng hindi niya napapansin.

Nagtaka ang kanyang amo ngunit hindi rin kumibo ito. Nagpaalam siya na umalis. Babalik na siya sa bahay nila, pagdadahilan niya. Inisip niya na puntahan ang anak sa ospital. Inisip niya na kung alagaanniya ito mas madali itong gagaling. Bibili siya ng makakain sa bago dumiretso sa ospital. Naisip niya na ibili ng gatas ang bata bago pumunta doon.

Dahan-dahan siyang lumapit sa reception desk. Nagtanong siya. Matagal bago siya napansin ng nurse dahil sa dami ng inaatupag nito. Tahimik siyang naghintay hanggang sa mapansin siya nito.

"yung batang dinala dito kamakailan? yung nakita sa tabi ng malaking bato sa may damuhan?" pagusisa nito.
"oo. yun nga po." nakangiti niyang sagot. Excited na siyang makita ulit ang anak. Tahimik niyang ipinangako sa sarili na hindi na niya iiwanan ulit ang bata. "Magmula sa araw na ito ay hindi na kita iiwan..." bulong niya sa sarili.

"wala na ang bata. namatay siya kaninang umaga. kawawa nga eh, wala man lang pamilya..." halos hindi na niya narinig ang mga sumunod pang sinabi ng nurse. Halos hindi na niya maalala kung paano niya narating ang kinaroroonan ng anak. Halos wala na sa isip niya kung paano niya ito nakuha o kung gaano karaming tanong ang halos hindi niya alam kung paano niya sinagot.

Habang unti-unting lumalakas ang ulan ay lalong lumalakas ang kanyang hagulgol. Ilang araw na rin ang nakakaraan ng ilibing ang bata. Ilang araw na ring tumutulo ang kanyang luha. Huli na ang lahat, wala na ang kanyang anak. Wala na siyang magagawa kundi umiyak. Kasabay sa paglakas ng ulan ang pagtulo ng kanyang luha. Habang buhay na siyang magluluksa sa kasalanang nagawa. Lumipas man ang panahon, mananatili pa rin sa kanyang alaala ang gabing iniwan niya ang anak.

At lumipas man ang ilang taon ay naririnig pa rin niya ang pag-iyak ng anak, tila nagmamakaawa, nagtatanong...nanunumbat.



[NOTE: don't know why i wrote this one. the moment the page opened i started typing and went on and on...hanggang sa ito ang kinalabasan...
i don't know why...
maybe because I hear a child crying...]




0 blabblers:

check ur page rank.

Check Page Rank of your Web site pages instantly:

This page rank checking tool is powered by Page Rank Checker service

 

♥AIAN-ism © 2010

Blogger Templates by Splashy Templates